UGNAYANG PANLABAS SA ILALIM NI DUTERTE: PANALO O TALO?

Ni Roland G. Simbulan
Posted by CenPEG, 06 August 2021

(Batay ito sa komentaryo ng may-akda sa State of the Presidency o SOP Forum ng Center for Peoples Empowerment in Governance (CenPEG) noong Hulyo 27, 2021)

Sa nakaraang limang taon ni Duterte, siya ba ay may malinaw na istratehiyang “hedging” para sa idineklarang “independent foreign policy” na sa mata ng marami ay isang “pivot to China”? Posible ba ito gayong matagal nang nakaparada sa Pilipinas ang pwersang militar ng U.S. na nagbibigay-silong sa depensang eksternal ng bansa? Ang mga nakaparadang sandatahang lakas ng Amerika ay dulot ng mga kasunduan ng Pilipinas at U.S. tulad ng 1947 Military Assistance/Advisory Agreement (MAAA), 1951 Mutual Defense Treaty, 1999 Visiting Forces Agreement, 2004 Mutual Logistics and Support Agreement at 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Layunin ng sanaysay na ito na gawan ng pagsuma at suriin kung may naaning benepisyo sa atin ang sobrang pagbalewala ni Duterte sa pagkapanalo ng bansa sa desisyon ng International Arbitration Court on the Law of the Sea ukol sa South China Sea.

Kumusta na ang “pivot to China” ni Duterte, at patungong “independent foreign policy” ba ito? Nakinabang ba tayo sa China pivot na ito at nilagot ba natin ang tradisyunal na relasyon sa U.S.? Ano ba ang hinaharap ng relasyon ng U.S. at Pilipinas, at ang bagong patakaran ni U.S. President Biden sa Asya?

Magbibigay din ako ng mga rekomendasyon para sa susunod na administrasyon.

“Pivot” sa China?

Sa kanyang 2016 kampanya para presidente, dramatikong sinabi ni Duterte na magje-jet ski daw siya sa Spratley at itatanim sa mga islang inagaw sa atin doon ng China ang bandila ng Pilipinas. Noong nanalo na siya, baligtad ang ginawa at naging personal siyang malapit sa China at mayabang na nagdeklara ng “independent foreign policy” mula sa Amerika.   Noong presidente na siya at nang mag-State Visit siya sa China noong 2016, idineklara niya sa harap ng mga Tsinong lider na, “I announce my separation from the United States.”

Noong ding Hulyo 12, 2016 at naluklok na si Duterte bilang pangulo, ipinagkaloob ng International Arbitration Court on the Law of the Sea, ang desisyon na panalo ang Pilipinas sa ating 2013 na reklamo laban sa China. Ngunit, halos sabay at kaagad na binalewala ni Duterte at ng China ang desisyon. Dapat sana, ipinatupad na lang ito ng Pilipinas gamit ang kanyang diplomatikong mga instrumento sa China, sa ASEAN at United Nations.

Ang istratehikong “hedging” na nagpapatibay sa alyansang sekuridad sa U.S. habang lumalapit sa China para sa usaping ekonomiya at pulitika para mapangalagaan ang pambansang interes, ay hindi nangyari.  Mas masasabing “sumpungin” ang naganap na patakaran na personal pa kay Duterte, hindi ideyolohikal o institusyonal.  Walang malinaw na programa o direktiba para suportahan ang biglang pagbabago sa patakaran na umiikot sa personahe ng pangulo.

Matatandaan na unang minura at nagdeklara ng pagpuputol ng relasyon sa Amerika nang sitahin ni U.S. president Obama ang “extra-judicial killing” rekord ni Duterte matapos ang isang “Kill, kill, kill” na talumpati bilang bagong pangulo. At nang ayaw bigyan  ng U.S. visa si  dating PNP Chief na si Bato de la Rosa, dahil tagapagtupad siya ng Oplan Tukhang laban sa maraming mga pinapatay na suspek sa droga, nag-anunsyo ng “Notice of Termination” sa Visiting Forces Agreement.

Kaya, walang malinaw na direktiba sa pagbabago ng patakaran sa patakarang panlabas o patakarang sekuridad na ibinaba sa Department of Foreign Affairs o sa Department of National Defense. Ang ugnayang panlabas ay hindi pwedeng ibatay sa sumpong at pagmumura niya laban kay Pangulong Barak Obama dahil pina-alala sa kanya ang komitment ng Pilipinas sa komitment nito sa karapatang pantao. Kaya personal talaga, hindi institusyonal ang biglang pagpuna niya sa Amerika. Ito ay maling pamamaraan ng pamamahala.

Sa limang taon ni Duterte na pagbibigay, pananahimik at pagdepensa pa sa  China sa kanyang agresibong galaw sa West Philippine Sea, anong benepisyo ang nakuha natin? Nada. Kaya hindi binanggit sa State of the Nation Address (SONA) dahil hindi maipagmamalaki.

Ang Official Development Assistance (ODA) at Foreign Direct Investment (FDI) mula China ay mabagal at napapako sa pangako. Noong 2010, unang taon ng administrasyon pa ni Pres. Noynoy Aquino, meron na tayong 1.14 bilyon pesos na komitment mula China. Noong 2019, 600 milyon pesos lamang ang pumasok, habang $9 bilyon sa “soft loans” ang pangako ng China. Habang ang FDI mula China at Hong Kong ay $1.18 bilyon noong 2010-2015 na panahon pa ni Pres. Aquino, ito ay umakyat lamang ng konti  mula July 2016-1st Quarter 2021 sa US$1.47 bilyon.  Sa $24 bilyon na pinangakong investments mula China, ayon sa Philippine Statistics Authority( PSA), $3.2 bilyon lamang ang pumasok mula 2016-2020. Habang ang FDI mula Japan at European Union noong 2016- 1st Quarter 2021, ay dumoble mula $2.79 bilyon papuntang $6.51 bilyon.

Kahit na idagdag ang donasyong mga Covid-19 vaccines mula China - na ginawa din ng WHO at ibang bansa -at kahit na isama pa ang 6,000 mga ripleng donasyon ng Tsina sa Armed Forces of the Philippines, lugi at hindi mapapatawad ang ating pagsuko sa Tsina ng ating karapatan at angking likas-yaman sa karagatan ng West Philippine Sea. Kumita pa ang Tsina ng bilyon-bilyon dolyar sapagkat karamihan ng binili nating mga suplay ng sobrang mahal na Covid-19 vaccines ay mga Sinovac nila.  Malaking pagyurak sa sarili nating karangalan sa mata ng daigdig na sasabihin mismo ng pangulo na ang naipanalo nating 2016 arbitral court ruling ay nararapat sa “wastebasket” bilang basura. Bakit ba na tila signal ito para sabihin din ito ng Foreign Ministry spokesperson ng China ilang araw lang ang nakalipas.

Bilang pakinabang, kakarampot itong nakuha natin sa China kung ikukumpara sa Vietnam. Bagamat laging pumapalag at hindi pinapalampas ng Vietnam ang mga agresibong kilos ng Tsina sa South China Sea, ang Vietnam ang pinakamalaking partner sa kalakal ng Tsina sa mga bansang ASEAN: $19 billion sa bilateral trade sa Tsina noong 2019 at mula 2016-2020 ang kanilang import at eksport sa isa’t  isa ay umabot ng di kukulangin sa $72 bilyon.  Pinakamalaking tinanggap na turista ang Vietnam sa ASEAN na galing sa Tsina na umabot ng 2.2 milyon turista noong 2018 at 2.7 milyong Tsinong turista noong 2019. Ito ay sa kabila ng may pinakamaraming isla na kontrolado ng Vietnam sa  Spratlys (23 isla) na inaangkin din ng Tsina.

Gayundin sa Indonesya, na noong 2015-2017 ay 371 ang ilegal na dayuhang fishing boats ang kinumpiska at pinasabog, na karamihan ay galing sa Tsina. Pero hindi naman humantong sa gera.  Sa kabila nito ay noong Nov. 2020, pumayag ang China na bentahan ng 200 milyong vaccines ang Indonesia. Nirerespeto ng China ang bansang nagrerespeto sa sariling kasarinlan at likas yaman. Ang masahol pa, ang ating lider ay publikong minumura at naghihikayat na patayin ang sarili pang mga kababayan.

Sa kanyang huling SONA, bagamat binanggit ni Duterte na nakatanggap tayo ng isang milyong Sinovac Vaccine mula China bilang donasyon, pero hindi niya nabanggit na 9 milyong vaccines (Pfizer at Johnson & Johnson vaccine) na binigay bilang donasyon sa atin ng WHO Covax Global Facility kung saan ang U.S. ang pinakamalaking donor. May donasyon ding 1.1 milyong Astrazeneca vaccines sa atin ang Japan. Ito ay ayon sa National Task Force for Covid-19 (Hulyo, 2021).

Sa ngayon, hinahayaan ng U.S. ang ipinapakitang pakikipagkaibigan ni Duterte sa China, basta’t hindi ginagalaw o kino-kompromiso ang geopulitikal na interes ng Amerika sa bansa. Kamakailan, makikitang tumiklop na si Duterte sa usapin ng VFA, at lalo pang palalakasin ito, ayon kay Defense Secretary Lorenzana.  Sinumpong na kunwa’y “notice of termination” dahil hindi lamang nabigyan ng U.S. visa ang side-kick sa madugong tokhang, na gera laban sa mga mahihirapna gumagamit at pusher daw ng droga.

Ngunit, sa kabila ng tila “pivot” ng pangulo sa China, ang alyansa ng Pilipinas at U.S. ay ika nga, “rock solid” at hindi nagalaw. Lalo pa ngang lumalakas tulad ng matagal na nating obserbasyon. At kahit na sinasabing meron nang “comprehensive strategic partnership” ang Pilipinas at China - sa deklarasyon at papel - nagpapatuloy ang
parang muog na bakal na relasyon ng Pilipinas at Amerika.

Sa imaheng panlabas, masasalamin ang mahinang kredibilidad ng administrasyong Duterte sa mga imbistigasyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC), at ng International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte at mga kakutsaba niya sa bintang na “Crimes Against Humanity.”  Ito ay sa kabila ng malaking gastos sa diplomatikong opensibo at internasyunal na red-tagging na ginawa noong 2018 at 2019 ng mga delegasyon ng Armed Forces of the Philippines, ng Presidential Communications & Operations Office (PCOO) at ng National Task Force to Eliminate Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Ito ay ginawa sa European Union at Amerika laban sa mga nagrereklamong mga human rights NGOs at mga human rights defenders. Lalo lamang tumibay ang bintang laban kay Duterte.

Philippine-US Balikatan War Exercises

Ang Joint Philippine-US Balikatan war exercises ay kumonti noong 2017, pero ito ay umakyat ng 261 ang bilang noong 2018, at 281 noong 2019, at 290 sana noong 2020 pero inabutan ng Covid-19 pandemic at nakansela. Noong April 2021, itinuloy ang Philippine-US Balikatan war exercises, ang pinakamalaking war exercises ng U.S. sa Southeast Asia. Ito pala ay senyas na tumiklop na ang administrasyong Duterte sa gusto ng administrasyong Biden na lalong palalakasin ang Visiting Forces Agreement bilang bahagi sa pagkontra sa China.

75 taon na ang relasyong diplomatiko ng U.S. at Pilipinas: 4 na milyong mga Pilipino ang U.S. citizens sa Amerika, at 350,000 American citizens na permanenteng residente sa Pilipinas. Ang mga Pilipino din ang siyang pinakamalaking immigrant Asian group sa U.S. armed forces na may 800 base-militar sa 100 bansa, sa bawat kontinente ng mundo at bilang mga Navy personnel ng 11 U.S. aircraft carrier task forces sa lahat ng
karagatan.

Pinaka-impluwensiyal din ang American Chamber of Commerce of the Philippines, sa mga dayuhang asosasyon ng negosyo sa Pilipinas. Pero ang pinaka-inaasahang institusyon ng U.S. sa Pilipinas ay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na binibigyan ng treyning, indoktrinasyon at armas ng Pentagon (U.S. Department of Defense). Ito ang nagbabantay na hindi lilihis ang Pilipinas sa ibang direksyon na wala sa payong ng Amerika. Matagal nang napatunayan na ang AFP ang pinakamasugid na suporter ng mga gera ng Amerika sa Korea, Vietnam, Iraq at Afghanistan.

Sa Southeast Asia, ang Pilipinas sa ilalim ni Duterte ang may pinakamalaki pa ring U.S. military assistance: $55.1 milyon (2017), $54.4 milyon (2018), $43.4 milyon (2019) at $58.5 milyon (2020). Ayon sa datos mismo ng U.S. Congress, ang “lethal and non-lethal military assistance” nila mula 2016-2020 para sa Pilipinas ay umaabot ng $572.3 milyon.

Bukod dito, kapag kinakalampag at sinisita sa U.S. Congress ang masamang rekord sa karapatang pantao ni Duterte at itinatali dito ang U.S. military assistance, binibigyan ng permit ng U.S. ang kanyang mga kaalyado na magbenta ng U.S.-licensed na armamento sa Pilipinas. Nitong mga nakaraang taon, bumili tayo ng 16 na S-70 Blackhawk helicopters sa Poland; at 16 na attack helicopters sa Turkey, mga awtomatik na mga riple mula Israel at mga eroplano at barkong pandigma na galing South Korea. Ito ay dahil naaantala ang kinukuha nating mga Apache at Viper attack helikopter na direktang galing sa U.S. bunga ng paninita ng U.S. Congress sa isyu ng karapatang pantao.

Ayon sa 2020 Report ng Watson Institute for International Relations, sa Brown University, ang Pilipinas ay isa sa 85 bansa kung saan meron mga pwersang militar ang U.S. at may aktibong mga operasyon, nagbibigay treyning at tulong sa kontra-terorismo, may joint military war exercises at nagtadtayo ng mga U.S. military facilities. Itong patuloy na aktibong presensya ng U.S. sa Pilipinas ay mahalaga sa U.S.-Japan-India-Australia estratehiyang QUAD na paligiran at paikutan ang China ng parang-NATO alyansang militar sa Asya.

Biden at Asya

Si U.S. president Joseph Biden, na may 48 taong rekord sa patakarang panlabas bilang senador at bise presidente ng Amerika bago naging president ay kilala bilang isang “Empire Politician”. Sa kanyang mahabang rekord sa ugnayang panlabas bilang Chair ng U.S. Senate Foreign Relations Committee, nakilala siya bilang suporter ng interbensyon, CIA covert operations at political assassinations, at bagamat mahinahon at diplomatiko ang estilo kung ikukumpara kay Trump, sinuportahan niya ang mga gera ng U.S. mula 70s, 80s, 90s sa Vietnam, Grenada, Libya, pati ang interbensyon ng U.S. sa Iraq at Afghanistan.  At ngayon sa destabilisasyon sa Cuba at Venezuela. Gusto rin niyang parusahan ng mabigat ang mga whistleblowers tulad nila Daniel Ellsberg, Sgt. Manning, at Ed Snowden.  Sinuportahan niya ang mga death squads at paramilitary operations sa Latin Amerika, bastat nirereport ito sa U.S. Congress Intelligence Committee.  Gayundin, ang paggamit ng CIA ng drones at Special Operations Forces assassins para lipulin ang mga kalaban ng Amerika.

Ang dapat bantayan ngayon ay ang iniisponsor ng Democratic Party sa U.S. Congress na “Strategic Initiative and Competition Act of 2021” na isang de-facto na bagong Cold War laban sa China.  Mukhang may suporta rin itong panukalang batas sa hanay ng mga kongresista mula sa Republican Party.  Sinusuportahan nitong panukalang batas ang militarista at agresibong inisyatibo ng U.S. sa South China Sea at Taiwan.

Posibleng maging balakid ito sa mga kooperasyon at kasunduan ng U.S. at China sa mga kritikal na isyu tulad ng “pandemic, climate change”, at “nuclear weapons proliferation.” Maaari ding lumalim at lumawak ang rasistang (racist) mga krimen laban sa mga Tsino at Asyanong imigrants sa U.S., Yuropa at Australia.

South China Sea: “American Lake”

Ang South China Sea ay matagal nang isang “American Lake” mula pa noong katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kontrolado ng U.S. 7th Fleet ang South China Sea. Kasama ang kanyang mga aircraft carrier task forces ng U.S. Indo-Pacific Command, tagay ang mga surface ships, mga submarinong istratehiko na may armas nukleyar, at mga probokatibong paglipad ng eroplanong espiya-pandigma ng U.S. sa loob ng 12-mile limit ng teritoryo ng China.  At nakapaligid sa China ang halos 50 malalaking base militar ng U.S. na nakapaligid sa China mula hilagang Japan, South Korea, Guam, Marshall Islands, Pilipinas, Singapore hanggang Diego Garcia sa Indian Ocean.

Sa mga dokumento ng U.S. Department of Defense mula pa noong panahon ni presidente Obama, Trump at Biden, ang China na ay ang “U.S. Strategic Enemy”.  Ang pagpasa ng 2021 Strategic Initiative and Competition Act sa U.S. Congress ay magbibigay integrasyon sa layuning gawing pangunahing kaaway at target ang China ng Amerika sa kanyang panloob at panlabas na patakaran. Gagawing panawagan ito ng buong pamahalaan at popondohan din ang mga anti-China na propaganda. 

Kaya lalong hindi inaasahan na aatras ang China sa kanyang reklamasyon at tinatayong mga anti-missile, anti-submarine na base militar sa mga isla sa Spratlys. Habang may banta mula sa mga EDCA base militar sa Pilipinas at sa mga aktibong operasyon ng U.S. 7th Fleet sa South China Sea, lalo niyang pagtitibayin ang kanyang presensyang militar sa kanyang paligid.

Dahil dito, ang Pilipinas at ibang estadong Southeast Asia ay dapat mag-inisyatibo na gamitin ang kanilang istratehikong lokasyon para  mamagitan para sa isang kolektibong kasunduan. Ang kasunduan sa Southeast Asia ay layuning magpapaatras sa mga itinayong base sa South China Sea ng China, at pagpigil sa pagtaboy sa ating mangingisda.  Ang kapalit - ang pag-atras din ng U.S. 7th Fleet sa South China Sea at pagsasara ng limang EDCA U.S. bases sa Pilipinas. Ang ASEAN, mula pa noong 1995 ay meron nang rehiyonal na South East Asian Nuclear Weapons Free Zone Treaty, at matagal nang idineklara ang lugar na “Zone of Peace, Freedom and Neutrality”.

Gamitin sana natin ang ating istratehikong lokasyon na dahilan kung bakit tayo nililigawan ng mga malalaking bansa upang makuha natin ang ating mga pangangailangan at upang magpalakas ng ekonomiya at kakayahan na idepensa ang sarili. Marami na tayong aral sa ating espesyal na relasyon sa Amerika na nagpahina lamang sa ating kakayahan na ipagtanggol ang sariling teritoryo at karagatan sa West Philippine Sea dahil sobra ang pagkasandal sa U.S. 7th Fleet.

Gamitin natin ang istratehikong lokasyon ng Pilipinas para mamagitan, kasama ang sampung bansa ng ASEAN na may 650 milyong katao, para maging partner para sa kapayapaan at kaunlaran (Partners in Peace and Prosperity) ang Pilipinas, China, mga bansang ASEAN at ibang bansa na nagtataguyod sa layuning ito. Ang mga likhang yaman sa South China Sea ay dapat pagtulungang idebelop bilang “South China Sea Commons” at sama-samang bigyang proteksyon ang ekosistem. Dapat masimulan ang inisyatibong ito. Walang pwedeng magsisimula o mag-iinisyatibo nito kundi tayo na nasa lokasyon ng  pinaka-mainit na girian sa mundo, pangalawa marahil sa tensyon sa
Taiwan Straits.

Sa ating dako ng daigdig, maging partner sana tayong lahat sa kapayapaan at kaginhawaan.

 

---------------------
Ang may-akda ay 38 taon nang Propesor sa Unibersidad ng Pilipinas. Siya ay Vice Chair ng Center for Peoples Empowerment in Governance (CenPEG)

Facebook share button

Twitter share button

Latest posts
Back to top Back to top >>
Telefax +6329299526 email: cenpeg@cenpeg.org; cenpeg.info@gmail.com Copyright ©2005
Center for People Empowewrment in Governance (CenPEG), Philippines. All rights reserved